Patok

Abril 29, 2009

               

 

Enero 22, 2009

                Kung nakasakay ka na sa roller coaster, masasabi mong “astig” at kadalasan ditto umiikot ang buhay ng bakasyon, sa mga amusement rides na humihila ng sikmura, nang-aaliw, nagbubuklod at umuubos ng perang napamaskuhan. Para sa mga undergraduate gaya ko, ang mga plakang “CUBAO-DIVISORIA” at “PARANG-STOP & SHOP” ang humahalili at nagsisilbing gawi (ritwal na ata) para makaranas ng mga mala-SUPERMAN na lipad at mala-FLASH na bilis na ride. Jeep na PATOK kung sila’y bansagan.

                Unlimited air. Yan ang masasagap ng baga mo pag nasubukan mong pumatol sa patok. Hanging maaaring mula sa mga tambutso ng mga mabibilis na sasakyan at ng mga mababagal. Hanging maaari ring singaw ng katabi mong sinuyod ang Kamaynilaan sa paghahanap ng disenteng trabaho o ng katapat mong kaeskwela mo o ng driver na tagaktak ang pawis, sariwa ang amoy, babad sa init. Hanging dala mo sa sarili mong katawan kasama ng pagod, hirap at sakripisyo bilang taong naghahangad makaraos lang sa bawat araw. Hanging niluto ng lipunan, ng sari-saring tao sukbit ang iba’t ibang lagay o sitwasyon sa buhay. Hanging nakakalunod.

Nang dahil sa patok, walang nalelate, bumibilis ang aksyon ng tao, ng ekonomiya, ng pera, ng hanapbuhay, ng gulay, prutas at iba pang produkto, ng pangarap, ng trapiko, pati ng buhay. Buhay na nasasayang dahil sa walang pakundangang pagmamaneho ng mga amo ng patok.

                Nang dahil sa patok, akala ng iba’y nakakatipid ang gintong presyo ng gasoline ng mga jeep ngunit kabaligtaran. Nagagamit nang husto ang mga maliliit na piyesa nito na nagpapaandar at nagbibigay-daan para mas mauhaw sa gasoline ang jeep na patok.

Nang dahil sa patok, nagagawa ng isa na lumipad, mangarap, makasagasa, umunlad at sumadsad. Ang buhay…puno ng paglalarawan tulad ng sa pagharurot ng patok. Mabenta ngunit walang lugar sa katwiran. May lusot ngunit lamang ang gusot.

Hinuhulma ng lipnan ang tao sa dalawang paraan: ang tradisyonal at patok na pamamaraan. Kultura ang nagsasabing edukasyon at edukasyon lamang ang paraang maghahatid sa makabuluhang buhay. Naniniwala ang mga Pilipino noon na ang diploma ang susi sa makatarungang tranaghong masasabi mong naabot mo sa buhay mo. Kapatid ng paniniwalang ito ang pag-asang yumaman at hukayin ang paa ng buong angkan sa hirap, sa kumunoy, sa kawalan. Sa panahong bata pa ang isip, mag-aral nang mabuti ang number one rule.

                Sagot ng patok, “In any rule, there is an exception.” Patok na buhay? Ang magtrabaho habang maaga para makakain, para mabuhay ngunit di para yumaman dahlia ang pagyaman ay isang kapalaran para sa mga fans ng patok. Sa ganitong pilosopiya rin ng buhay nabubuo ang makabagong depenisyon ng edukasyon: PRIBILEHIYO; katapat ng pera: para sa mayaman o may kaya; walang libre. Ang bawat libre, may bayad. Saan ka dadalhin? Sa nakasanayan. Anong ituturo? Ang mala-teleseryeng pagkamatiisin. Ang curriculum ay serye ng walang hanggang paglubog sa lupang sumpa sa di masolusyonang kahirapan at katiwalian. Ganyan ang buhay ng mga estudyante ng unibersidad ng kalye, estudyanteng wala sa apat na sulok kundi sa bilog at mabolang mundo. Naniniwala silang diskarte ang resume sa buhay at maabilidad ang lagging hired. Para sa kanila, ang buhay ay tadhana. Kung isinilang ka sa basurahan, makakarating ka sa paraiso, sa mabundok, sa pinanggalingan mo…Payatas. Patapon.

                Madalas, niyayakap tayo ng mas patok na prinsipyo, yung dinudumog at pinagkakaguluhan. Patok ba ang patok sa iyo? Ang bawat pintuan ay may limitadong haba at lawak lamang. Ibig sabihin, sa bawat kumpol ng publiko, iilan lang ang makakapasok. Gaya sa patok na pamumuhay, iilan lang ang qualified mabuhay nang swertr, nang makaahon nang walang tinta sa utak at walang logic sa mga mata.

                In every action, there’s an opposite reaction. Ang sakripisyo para matuto sa thesis, termpapers, reaction papers at iba pang may papers sa pangalan ay ang pinakamalinaw na entry sa raffle ng tagumpay. Hindi lang obvious. Talino at karanasang dala sa classroom ang tamang resume. Bonus na rin ang diskarte. Ang unang galaw ng patok ay nakasalalay sa mga taong naniniwala sa bilis ng buntot ng usok. Paminsan-minsan, patok sa akin ang mahaharot na jeep. Hindi dahil nagmamadali ako sa bawat minsan kundi dahil minsan sa buhay ko, napagod din ako.

 

 

Hello world!

Abril 29, 2009

Welcome to WordPress.com. This is your first post. Edit or delete it and start blogging!